Ang payaso ay para lamang sa sirko at
kailanman ay hindi nababagay sa pulitika. Mahigit dalawampu’t dalawa ang
nagpasa ng kanilang certificate of candidacy (COC) sa pagkapangulo sa unang
araw ng pagpasa ng COC. Dahilan upang umani ang mga ito ng sari-saring opinyon
sa mga netizens sa social media at maging sa tanyag na pamahayagan. hanggang sa kasalukuyan ito ay patuloy pa ring binabatikos at pinag-uusapan dahil tila karamihan sa mga naghahangad na maging presidente ng bansa ay wala pang mga karanasan.
Tila isang "FUN RUN" lamang ang sinasalihan ng mga nagpasa ng COC sa pagkapangulo sapagkat minamaliit nila ang posisyong kanilang tatakbuhan o sadyang ganito lang talaga kabulok ang sistema ng ating pamahalaan. Bagamat pinayagan ang lahat na tumakbo ay kailangan pa rin nating baguhin ang ganitong sistema upang mapili ang talagang karapat-dapat sa posisyon dahil ang darating na halalan ay hindi isang
katatawan lamang na kailangang ipagsabawalang bahala. Wala tayo sa isang
komedya kung saan lahat ng bagay at sitwasyon ay maaari lamang tawanan, nasa
reyalidad tayo at ang napapalapit na halalan ay isang seryosong bagay na
kailanman ay hindi madadaan sa tawanan at biruan. Kaya naman seryosohin ang pagpasa ng
COC.
Ang pangulo ang pinakamataas
sa lahat ng posisyon sapagkat nasa kamay niya ang magiging kinabukasan ng ating
bansa ngunit ngayon halos kung sino-sino na lamang ang naghahangad na maging
president ng ating bansa. Mga baguhan lamang ngunit hinahangad na agad ang
pinakamataas na posisyon. Sa larangan ng pulitika hindi naman pinagbabatayan
ang karanasan ng taong tumatakbo ngunit sa kung ano ang kanyang magagawa para
sa bansa. Katulad na lamang ng isang tricycle driver na nagpasa ng certificate
of candidacy para sa pagkapangulo. Patunay lamang ito na lahat ay mayroong
magagawa para makamit ang pagbabago na hinahangad ng bansa. Lahat tayo pwede
nating hangadin na maging president ng bansa ngunit kakayanin nga ba natin ang
ganitong posisyon? Sigurado ka ba sa sarili mo na magagawa mo ang tungkulin ng
isang presidente? Higit sa lahat
sigurado ka ba sa posisyong tinatakbuhan mo? Ang posisyon ng presidente ng
bansa ang pinag-uusapan, isang eleksyon kung saan kabilang ang bilyon-bilyong
tao. Wala tayo sa eleksyon sa loob ng silid-aralan kaya naman kung magpapasa ka
ng COC siguraduhin mong may magagawa ka at may pagbabago kang maihahatid sa mga
mamayan ng ating bansa.
Sa isang pagsusulit hinding-hindi
mawawala ang multiple choice pero sa darating na halalan napasobra ata ang
pamimilian para sa posisyon ng pagkapresidente. Habang patagal ng patagal ang
filing ng certificate of candidacy, parami din ng parami ang mga taong
nagpapasa ng COC sa pagkapresidente. Walang masamang maghangad na maging
president ng bansa lalo na kung alam mo naman sa sarili mo na may magagawa ka
para sa bansang iyong sinilangan at lahat ng nagpapasa ay dadaan pa rin sa proseso
bago sabihing ganap na siyang kandidato sa pagkapresidente. Ngunit ang dating
dalawampu’t dalawang nagpasa ngayon ay nasa 130 na, mukhang hindi na sinersyoso
ng mga tao ang pagpasa ng COC para sa pinakamataas na posisyon sa bansa. Nasa
demokratiko tayong bansa at nangangahulugan itong malaya tayo sa kung ano man
ang ating gagawin at isa na rito ang malayang pagpasa ng COC sa kung anong
posisyon ang ating hinahangad. Malaya nga tayo ngunit ang malayang pagpasang
ito ay mukhang pinagsasawalang bahala na lamang ng iba at hindi sineseryoso.
Ginagawa nilang laro na lang ang pagpasa ng certificate of candidacy.
Nagmumukha tuloy mga payaso ang ibang nagpasa, mga payasong ginagawang sirko
ang pagpasa ng COC. Sa 130 na nagpasa ang ilan lamang sa ito ay may totoong
adhikain para sa bansa at ilan naman ay nakikigulo lamang at nakikiagaw-eksena
sa mga seryosong tatakbo.
Ang payaso ay para lamang sa pagpapatawa pero ang isang pangulo ay para sa mamamayan ng isang bansa kaya naman payaso at pangulo kailanman
ay hindi maaaring magsama. Papalapit na halalan ay seryosohin sapagkat
kinabukasan ng bawat lahat at maging ng bansa ay dito nakasalalay. Bawat galaw
ay pag-isipan at huwag laging idaan sa biruan. Baguhin ang sistema ng pamahalaan sapagkat ngayon tila mas nahihirapan pa ang mga mag-aaral na walang ID na makapasok sa paaralan kumpara sa mga taong tatakbong pangulo ng ating bansa.
